|
bsckids.com |
Napakaswerte mo ipinanganak kang mayaman
Bulsa ng mga magulang mo’y parating may laman
Kahit anong gusto mo ay binibigay nila
Upang sa gayon ika’y makitang masaya
Naalala ko pa nga noong ika’y sinorpresa
Mga magulang mo may supot na dala
Nabigla ka noong ito’y binuksan
Mga kotse, robot, mga panlalaking laruan
Nagtaka ako sa’yong naging reaksyon
Kung bakit di ka nasiyahan sa panahong iyon
Wala namang masama sa kanilang binigay
Dahil hangad lang nila ang iyong ngiting tunay
Sa pagdaan ng araw, kilos mo’y nag-iba
Pinaglaruan mo ako’t hindi ang bigay nila
Binihisan, sinuklayan na parang isang prinsesa
Nilagyan ng kosmetics at pampaganda
Doon ko nalaman ang iyong sikreto
Ang dahilan kung bakit ako’y pinulot mo
Sa isang basurahan na napakabaho
At nilagay sa iyong bag na amoy bago
Wala akong hinanakit sa iyong ginawa
Salamat sa iyo at ako’y iyong nakita
Ngunit bakit malungkot ang aking nadarama
Sa tuwing nilalaro mo akong mag-isa
Alam kong ako ay laruang patago
Sa ilalim ng kama ako’y tinatago
Sa tuwing kinakausap ka ng iyong ama
Kilos mo’y biglang nag-iba
Nalulungkot ako sa iyong sitwasyon
Isang kang bilanggo ng iyong kahapon
Hindi maipakita kung ano ka talaga
Sa mata ng iyong magulang at ng iba pa
Oo, alam ko hindi ka pa handa
Na sabihin sa kanila ika’y bakla
Pero buhay mo yan at hindi ka nila pag-aari
Gawin ang gusto mo at ‘wag mag-atubili
Pero hiling ko sana’y balang araw maisipan mo
Dalhin ako’t paglaruan sa harap ng mga tao
Yan lang naman ang aking natatanging gusto
Ang hindi ka magpanggap at ika’y magpakatotoo.